Ang buhay ay parang sirang plaka, paikot-ikot lang

ACDG

Sa panahong ito, ang dapat na ginagawa ko ay ang basahin ang huling dalawang 'chapter' na sakop ng pagsusulit sa Pisika bukas. Ngunit hindi mapalagay ang aking isip. Ang laging laman nito ay ang alaala mo - ang kulay ng damit na suot mo, ang plate number ng kotse mo, ang ngiti mo, ang mga posibleng mangyari kung may pagkakataon akong baguhin ang lahat sa akin at sa atin. Sa bawat gabing ikaw ang panaginip, ang araw ko ay buo na. Sa bawat sulyap na ninanakaw, ang puso ko'y di magkamayaw sa kasisigaw. Sa haba ng proseso sa paghanap ng Power Series Solutions, ang nais ko lang ay hindi ang pag isipan kung may tama ba o may mali sa aking mga ginawang hakbang, ang nais ko lang ay ang isipin ka at ang mga nagdaan nating mga pag uusap kahit na ang lagi nating paksa ay mga bagay na kailangan gawin tulad ng mga requirements at prob sets. Pero alam mo ba, hindi ko maburabura ang mga texts mong: Kelan due ang prob set? :) dahil pilit kong pinipinta sa likod ng aking isipan ang ngiting nakalakip sa mensaheng ito. Ang simpleng ':)' na galing sa iyo ay sapat na para maging masaya sa buong linggo.

Alam ko na itong nadarama ko ay lilipas din. Alam kong darating yung araw na mabubura ko na rin ang mga texts mo. Alam kong darating ang panahon na hindi ka na hinahanaphanap ng mga mata ko. Pero hinding hindi ko malilimot na isa ka sa mga rason kung bakit ngayong buwan na ito: Marso, nagkaroon ako ng dahilan para ngumiti.

Araw ng mga Puso



Sa araw ng mga puso, nagantay ako. Inantay ko ang pagbalik ng loob mo. Kasabay ng pagsabog ng araw sa silangan, ang pagsabog ng pagibig na inaalay ko para sayo. Naguumapaw, nagagalak sa dalang bagong pag asa. Hindi napawi ang aking ngiti kahit na di mo pa rin ako binabati. Inisip kong, baka sa pag lubog ng araw ay mawari mong ako'y pasayahin sa pamamagitan ng mga salitang kahit simple ay ikinatutuwa na ng aking puso. Patuloy akong naglakad sa loob ng paaralan. Pinasukan ko lahat ang aking klase at nag iwan ng bakas ng kasiyahan. Dahil sa pagdaan ng oras, lalong bumilis ang tibok nitong damdamin. Nasasabik sa iyong pagbati. Nasasabik sa iyong matatalinhangang salita. Ngunit sumapit na ang gabi, wala pa rin akong natatanggap mula sa iyo, walang salita mula sa iyong labi. Hindi ko alam kung bakit sa panahong inialay ko ang aking puso, ay wala pa lang tatanggap nito. Wala na bang pag asa? Wala na bang mas malalim pang patutunguhan ang ating pagkakaibigan? Nasabi mo rin dati, na may babae ka nang napupusuhan. Hindi mo sinabi ang kanyang pangalan. Kaya naman patuloy pa rin akong umasa, na ako sana ang tinutukoy mo.

Sa araw ng mga puso, nagmahal, umasa at nabigo ang puso ko. May sasalo pa ba ng pag ibig na alay ko? Panahin mo naman kami Kupido.

Sa yo, K!!

Gumawa ako ng isa pang blog.

Isinulat ko dun ang pilit na sinasabi ng puso ko.

Hindi ko alam kung bunga ba to ng galit o purong pagmamahal lang.



Basta.




Sana, makita mo.

Sana, maintindihan mo.

Na para sa iyo ito.